Story that I can relate to.

Do only UP students experience this?

Taga-UP ka nga, Olats naman
by: kayish
http://www.peyups.com/article.khtml?sid=4148


Alam kong mataas ang expectations ng mga tao sa mga taga-UP pero sana naman ay huwag nilang makalimutan na tao rin kami; na tao rin tayo. Siguro minsan nadidisappoint sila sa atin pero hindi sapat na dahilan yon para hamakin nila tayo kung meron man tayong hindi kayang gawin.

Hindi madaling iimpress ang mommy ko although alam kong naaappreciate naman nya ang effort at achievements ko kahit papaano. Hindi sapat sa kanya na matalino lang ang isang tao, dapat masipag din. Alam ko yon at nauunawaan ko ang ibig sabihin noon.

Ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit laging nadadamay ang pagiging taga-UP ko sa aking mga kakulangan at kung bakit kapag nakakagawa ako ng kasalanan ay lahat ng mga nag-aaral sa UP e nasisisi rin. Nadadamay pa tuloy ang mga schoolmates ko. Parati pa akong ikinukumpara sa mga taga-ibang school. Ang pagpasa ko sa UPCAT ay hindi nangangahulugang nakapasa na rin ako sa kategorya ng pagiging perpekto. Oo, proud ako sa tuwing pinupuri ako ng ibang tao dahil taga-UP ako. Pero hindi ko naman ipinagyayabang iyon. Hindi ko ipinangangalandakan at lalong hindi ko ipinamumukha ang pagiging taga-UP ko.

Madalas kong marinig mula sa mga kaibigan ng mommy ko na ang galing ko daw dahil nakapasa ako ng UPCAT. Ang alam daw kase nila eh "versatile" ang mga napasok sa UP. Kesyo pang all-around; pwede isabak sa kahit anong subject, arts, music at pang isports pa. At syempre kasali dyan ang pagiging independent at ang kamuwangan sa mga gawaing bahay. At sa puntong iyan, biglang sasabihin ng mommy ko na, "Dyan ka nagkamali."

Hindi ako naglalaba pero marunong ako magkusot, magkula at maglaba sa washing machine. Ayoko lang ng naglalaba ako ng mga kumot at pantalong maong. Bakit ba. Yung mga kaibigan ko ngang anak-mayaman parang di pa ata alam na binubukod ang mga puting damit sa mga de color bago labhan eh. At least ako, marunong maglaba pero ayoko lang. Kaya naman lagi nalang sinasabi ng mommy ko sa sarili nya, "May anak ka ngang taga-UP, di naman naglalaba. Talo ka pa ni Sarah, elementary pa lang naglalaba na." Naisip ko lang, hindi naman yata tamang iassume na lahat ng nag-aaral sa UP eh naglalaba. At si Sarah, elementary lang yun, half day lang ang klase kaya maraming oras para maglaba.

Pagdating sa pamamalantsa, bumabawi naman ako, dahil kahit gaano kagusot ang mga damit sa loob ng closet ko, pinaplantsa ko naman lahat. Hindi lang ako basta marunong magplantsa, magaling pa. Pero ang mommy ko, may hirit pa. "Sa UP nga napasok ang anak mo, sariling mga damit lang naman ang pinaplantsa. Talo ka pa nung taga-Lyceum na anak ni Mrs. Martinez, ang sipag magplantsa ng damit nilang magkakapatid." Mabuti nga nakakabawas ako sa mga gawain eh. Sa inaraw-araw na umaalis ako ng bahay, 50% ng mga plantsahin ay akin. Kaya malaking kabawasan na ako ang nagpaplantsa ng sarili kong mga damit.

Kung kusina ang pag-uusapan, marunong naman ako magluto pero hindi ng mga tipong menudo, afritada, caldereta, kare-kare at kung anu-ano pang mga putaheng sari-sari ang sahog. Kaya naman madalas kong marinig, "UP nga, di naman nagluluto. Kilala mo ba si Caress? Yung taga-PLM? Kasing-edad mo lang yon pero magaling magluto. Talo ka pa." Ang pinakamatino ko ng magagawa ay ang maghugas ng mga plato. Sa aspetong ito, naghuhugas ako ng plato kung pwede ako. Pero maririnig ko pa rin ang, "Taga-UP ka nga, di naman maasahan sa paghuhugas ng pinggan." Di ko na siguro kailangang ipaliwanag sa kanila na pagiging arkitekto ang napili kong propesyon at mapapasma ang kamay ko kung babasain ko ito matapos kong gumawa ng plates.

Sa bahay, hindi problema sa akin ang masabihang tamad. Dahil kahit alam kong hindi yon totoo, minsan, naghahanap lang talaga ako ng dahilan para umiwas sa mga gawaing-bahay. Ang ayoko lang eh iyong sinasabihan ako na wala akong pakialam sa iba at sarili ko lang ang iniintindi ko. Sa tuwing sasabihan ako ng ganon, hindi ko pinapalagpas ang pagkakataon para sumagot at magrason. Kung ang madalas itanong ng nanay ni LimpBwizit sa kanya ay, "Yan ba ang natutunan mo sa UP?", ang sa nanay ko naman, iba. Sasabihin nya sa sarili nya, "May anak ka ngang taga-UP, bastos naman sa magulang. Talo ka pa nung ibang hindi nakapag-aral, marunong gumalang. Di bale ng di sa UP nag-aaral basta hindi sumasagot nang pabalang."

Di ko sila maintindihan kung bakit hindi nila ako maintindihan. Basta ang alam ko, walang masama sa pagiging iskolar ng bayan. Hindi kaakibat ng pagiging taga-UP ang pagiging perpektong anak at maging ang pagiging isang perpektong tao.

Alam kong mataas ang expectations ng mga tao sa mga taga-UP pero sana naman ay huwag nilang makalimutan na tao rin kami; na tao rin tayo. Siguro minsan nadidisappoint sila sa atin pero hindi sapat na dahilan yon para hamakin nila tayo kung meron man tayong hindi kayang gawin.

Lahat ng tao'y may kanya-kanyang kakayahan at lahat din ay may nagagawang kapalpakan. Hindi natin kasalan kung pumasa tayo sa UPCAT. Wala tayong magagawa kung qualified tayo para maging "iskolar ng bayan". Hindi natin hiniling sa iba na tingalain tayo at ituring na tila mga prinsipe't prinsesa. Lahat tayo'y may kanya-kanyang kahinaan. Kaya naman masakit marinig galing sa iba na, "Taga-UP ka nga, olats naman!"

* * * * * * *

This article is from Peyups.com - The UP Online Community

Comments

Popular posts from this blog

Movie Review: Full Metal Alchemist (Live-Action)

Satisfied with the Kobukuro ALL SINGLES BEST album